Tatlong araw na lang akong papasok sa trabaho, tatlong araw na lang at tapos na ang yugto ng buhay ko sa GMA.
Hindi ko alam na ganito pala kahirap magpaalam, hindi ko
alam na ganito pala kasakit at nakalulumbay na maalala ang halos limang taon
kong pananatili sa GMA na itinuring ko nang ikalawang tahanan.
Hindi ko makalilimutan ang ika-26 ng Abril ng taong 2010.
Wala pang isang buwan mula nang nagtapos ako sa UST ng kursong Journalism nang
magsimula ako GMA.
Magkahalong kaba at pananabik ang naramdaman ko noon. Kaba
dahil hindi ako marunong magsulat ng script, gumamit ng mga makina at wala
akong kakilala sa trabaho. Nakapananabik dahil hindi ko inakalang
makakapagtrabaho ako sa isa sa pinakamalaking broadcasting company sa Pilipinas.
Hindi naging madali ang bawat araw, pero napakarami kong
natutunan at nakasalamuhang tao.
Sa simula ay marami ka talagang ‘di makakasundo, mga taong
hahamakin ang iyong talento, mga taong susubukan kung gaano kahaba ang iyong
pasensya.
Pero nagpapasalamat ako sa kanila dahil tinulungan nila
akong maging matatag, maging propesyunal
sa trabaho at gawin ang lahat para patunayan ang aking kakayanan.
Marami rin akong nakilala sa GMA na hindi ko inakalang
ituturing kong matalik na kaibigan, ituturing kong para ko na ring kapamilya,
at hindi ko inakalang makakapagturo sa akin ng aral sa buhay at sa trabaho.
Unang una, maraming salamat po Madam Queenie, sa pagbubukas
ng mga pinto ng GMA para sa isang baguhan na tulad ko. Salamat po sa
pagtitiwala, sa pagbibigay sa akin ng mga pagsubok at oportunidad para lalo
kong galingan sa trabaho. Salamat sa pagpapatawad sa mga pagkakamali at
pagkukulang. Salamat sa pagiging mapagmahal na boss at pagiging ina sa aming
mga writer. Masakit pong mahiwalay sa inyo agad pero hinding hindi ko po kayo
makakalimutan. Kayo pa rin ang nag-iisang inang reyna para sa akin.
Kay ate Xien at Ali, hindi sapat ang pasasalamat sa lahat ng
pinagsamahan natin. Salamat sa pagtitiis n’yo sa kakulitan at pagiging antukin
ko. Salamat sa pagtatiyaga sa pagtuturo sa akin. Salamat sa pagkakakaibigan at
pagiging tila mga kapatid ko sa newsroom. Magkakahiwalay na tayo ng landas pero
alam kong magkikita pa tayo.
Sa QRT Remote team, salamat sa pagtitiwala sa kakayahan ko,
salamat sa hindi pagbitaw sa akin at pagsalo sa mga panahon na wala akong
ginawa kundi umiyak at magalit sa mundo. Isa na talagang tayong pamilya at
hindi na mababago ‘yun.
Sa Alupihang Dagat girls na mga una kong naging kaibigan sa
GMA, salamat dahil ginawa n’yong makulay, masaya at kapana-panabik ang bawat
araw sa newsroom. Hindi siguro ako nagtagal sa kumpanya kundi dahil sa inyo.
Alam kong kahit kailan ay hindi magbabago ang ating pinagsamahan.
Sa Subselfie, salamat sa pagkakaibigan, sa mga press
conference tungkol sa mga isyu natin sa buhay at trabaho, sa pagiging life at
work support, at salamat sa pagkakataon para maibalik ko ang pagmamahal ko sa
pagsusulat. Mahal ko kayo bilang mga kapatid.
Sa News To Go All Stars, kahit hindi tayo masyadong
nagkakasama, alam kong tila may malaking magnet na magbubuklod sa ating lahat.
Sana maging matagumpay tayo sa mga landas na pinili nating tahakin.
Sa Tinderellas, salamat sa suporta, sa pakikinig sa bawat kwento, sa pagbibigay ng lakas na harapin lahat ng laban sa buhay.
Kay Nanay Ana, hindi ko man po kayo nakilala sa mga unang
taon ko sa GMA pero nagpapasalamat po ako na itinuring n‘yo rin akong inyong
anak, salamat po sa pakikinig sa mga kwento, sa mga yakap at pagpunas n’yo sa
aking mga luha. Salamat po sa pagtuturo at pagmamahal.
Kay sir Jiggy, maraming salamat po sa pagtuturo sa akin ng
mga pasikot-sikot sa buhay media, sa pagtitiwala, sa lahat ng pagsubok. Hindi
po ako magiging ganito katatag at katiyaga sa trabaho kundi dahil sa inyo. Isang
malaking karangalan po na naging sidekick n’yo ako ng mahigit dalawang taon. Sana
po ay marami pang dumating na biyaya sa iyong buhay.
Kay sir Howie at Ma’am Kara, salamat po sa lahat ng aral, sa
pagtitiwala sa mga interview at sa pagtuturo sa akin na maraming kailangang
pagdaanan bago makamit ang mga mithiin sa buhay. Mabuhay po kayong dalawa.
Sa lahat ng nakatrabaho ko sa News on Q, sa News To Go at QRT,
maging sa mga nakilala ko sa iba’t ibang programa at departamento, salamat sa
samahan, sa mga kulitan, sa pagtitiwala at sa pagkakaibigan. Hinding hindi ko
kayo makakalimutan.
Salamat sa lahat ng mga nakasalamuha ko sa GMA na naging
dahilan kung bakit mas minahal ko ang aking trabaho.
Hindi ako iiyak dahil sa aking pag-alis, mas pinipili kong
bitbitin ang mga magagandang alaala at aking mga natutunan.
Dito man natatapos ang aking kwento, pero hindi rito
natatapos ang laban.
Paalam GMA, hanggang sa muli nating pagkikita.