Hanggang sa Muli



   

  Tatlong araw na lang akong papasok sa trabaho, tatlong araw na lang at tapos na ang yugto ng buhay ko sa GMA.

Hindi ko alam na ganito pala kahirap magpaalam, hindi ko alam na ganito pala kasakit at nakalulumbay na maalala ang halos limang taon kong pananatili sa GMA na itinuring ko nang ikalawang tahanan.

Hindi ko makalilimutan ang ika-26 ng Abril ng taong 2010. Wala pang isang buwan mula nang nagtapos ako sa UST ng kursong Journalism nang magsimula ako GMA.

Magkahalong kaba at pananabik ang naramdaman ko noon. Kaba dahil hindi ako marunong magsulat ng script, gumamit ng mga makina at wala akong kakilala sa trabaho. Nakapananabik dahil hindi ko inakalang makakapagtrabaho ako sa isa sa pinakamalaking broadcasting company sa Pilipinas.

Hindi naging madali ang bawat araw, pero napakarami kong natutunan at nakasalamuhang tao.

Sa simula ay marami ka talagang ‘di makakasundo, mga taong hahamakin ang iyong talento, mga taong susubukan kung gaano kahaba ang iyong pasensya.

Pero nagpapasalamat ako sa kanila dahil tinulungan nila akong maging matatag,  maging propesyunal sa trabaho at gawin ang lahat para patunayan ang aking kakayanan.

Marami rin akong nakilala sa GMA na hindi ko inakalang ituturing kong matalik na kaibigan, ituturing kong para ko na ring kapamilya, at hindi ko inakalang makakapagturo sa akin ng aral sa buhay at sa trabaho.

Unang una, maraming salamat po Madam Queenie, sa pagbubukas ng mga pinto ng GMA para sa isang baguhan na tulad ko. Salamat po sa pagtitiwala, sa pagbibigay sa akin ng mga pagsubok at oportunidad para lalo kong galingan sa trabaho. Salamat sa pagpapatawad sa mga pagkakamali at pagkukulang. Salamat sa pagiging mapagmahal na boss at pagiging ina sa aming mga writer. Masakit pong mahiwalay sa inyo agad pero hinding hindi ko po kayo makakalimutan. Kayo pa rin ang nag-iisang inang reyna para sa akin.

Kay ate Xien at Ali, hindi sapat ang pasasalamat sa lahat ng pinagsamahan natin. Salamat sa pagtitiis n’yo sa kakulitan at pagiging antukin ko. Salamat sa pagtatiyaga sa pagtuturo sa akin. Salamat sa pagkakakaibigan at pagiging tila mga kapatid ko sa newsroom. Magkakahiwalay na tayo ng landas pero alam kong magkikita pa tayo.

Sa QRT Remote team, salamat sa pagtitiwala sa kakayahan ko, salamat sa hindi pagbitaw sa akin at pagsalo sa mga panahon na wala akong ginawa kundi umiyak at magalit sa mundo. Isa na talagang tayong pamilya at hindi na mababago ‘yun.

Sa Alupihang Dagat girls na mga una kong naging kaibigan sa GMA, salamat dahil ginawa n’yong makulay, masaya at kapana-panabik ang bawat araw sa newsroom. Hindi siguro ako nagtagal sa kumpanya kundi dahil sa inyo. Alam kong kahit kailan ay hindi magbabago ang ating pinagsamahan.

Sa Subselfie, salamat sa pagkakaibigan, sa mga press conference tungkol sa mga isyu natin sa buhay at trabaho, sa pagiging life at work support, at salamat sa pagkakataon para maibalik ko ang pagmamahal ko sa pagsusulat. Mahal ko kayo bilang mga kapatid.

Sa News To Go All Stars, kahit hindi tayo masyadong nagkakasama, alam kong tila may malaking magnet na magbubuklod sa ating lahat. Sana maging matagumpay tayo sa mga landas na pinili nating tahakin.

Sa Tinderellas, salamat sa suporta, sa pakikinig sa bawat kwento, sa pagbibigay ng lakas na harapin lahat ng laban sa buhay. 

Kay Nanay Ana, hindi ko man po kayo nakilala sa mga unang taon ko sa GMA pero nagpapasalamat po ako na itinuring n‘yo rin akong inyong anak, salamat po sa pakikinig sa mga kwento, sa mga yakap at pagpunas n’yo sa aking mga luha. Salamat po sa pagtuturo at pagmamahal.

Kay sir Jiggy, maraming salamat po sa pagtuturo sa akin ng mga pasikot-sikot sa buhay media, sa pagtitiwala, sa lahat ng pagsubok. Hindi po ako magiging ganito katatag at katiyaga sa trabaho kundi dahil sa inyo. Isang malaking karangalan po na naging sidekick n’yo ako ng mahigit dalawang taon. Sana po ay marami pang dumating na biyaya sa iyong buhay.

Kay sir Howie at Ma’am Kara, salamat po sa lahat ng aral, sa pagtitiwala sa mga interview at sa pagtuturo sa akin na maraming kailangang pagdaanan bago makamit ang mga mithiin sa buhay. Mabuhay po kayong dalawa.

Sa lahat ng nakatrabaho ko sa News on Q, sa News To Go at QRT, maging sa mga nakilala ko sa iba’t ibang programa at departamento, salamat sa samahan, sa mga kulitan, sa pagtitiwala at sa pagkakaibigan. Hinding hindi ko kayo makakalimutan.

Salamat sa lahat ng mga nakasalamuha ko sa GMA na naging dahilan kung bakit mas minahal ko ang aking trabaho.

Hindi ako iiyak dahil sa aking pag-alis, mas pinipili kong bitbitin ang mga magagandang alaala at aking mga natutunan.

Dito man natatapos ang aking kwento, pero hindi rito natatapos ang laban.

Paalam GMA, hanggang sa muli nating pagkikita.